MANILA, Philippines — Pitong mahuhusay na kabayo ang magkakasubukan sa Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Memorial Cup na ilalarga sa Linggo sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Sasali ang Andiamo A Firenze, Dreaming Always, Mano Dura, Midnight Cat, Most Grateful, Red Queen at Velvet Haze sa event na nakalaan ang P3 milyong guaranteed prize na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta.
Posibleng magpakitang gilas ang Andiamo A Firenze na sasakyan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate sa karerang may distansyang 2,000 metro.
Napipisil ng ibang karerista ang Dreaming Always na rerendahan ni dating Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year Jonathan Basco Hernandez.
Ibubulsa ng winning horse ang P1.8 milyon, mapupunta sa second placer ang P675,000, habang ang P375,000 at P150,000 ang ibibigay sa third at fourth placers, ayon sa pagkakasunod.
Masisikwat ng breeder ng mananalong kabayo ang P150,000 kasunod ang P90,000 para sa segunda at P60,000 sa tersera.
Maliban sa nabanggit na stakes race, maghahanda rin ang Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ng mga balanseng regular races upang mapasaya ang mga kareristang maglilibang sa kaerahan.