MANILA, Philippines — Binuksan ng Cignal HD ang kampanya sa pamamagitan ng panalo.
Winalis ng HD Spikers ang Farm Fresh Foxies, 25-15, 25-18, 25-21, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Pumalo si Ces Molina ng 14 points mula sa 11 attacks at tatlong service aces para banderahan ang Cignal, habang may 11 markers si Jovs Fernandez.
Nag-ambag ng tig-pitong puntos sina Roselyn Doria at Riri Meneses kasunod ang anim na marka ni Vanie Gandler.
“Masaya pero marami pang kailangang i-adjust at idagdag, kasi kahit naman nanalo kami ngayon marami pa kaming lapses na dapat trabahuhin pa,” ani setter Gel Cayuna na nagtala ng 16 excellent sets.
Hindi naglaro si veteran Rachel Anne Daquis para sa Farm Fresh dahil wala pa siya sa kondisyon kasama ang mga bagong hugot na sina Jheck Dionela, AJ Jingco at Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy.
Huling sumalang sa aksyon ang 36-anyos na outside hitter para sa Cignal noong 2023 PVL Invitational Conference bago nawala sa eksena.
Inilista ng HD Spikers ang 2-0 bentahe ngunit pagdating sa third set ay inagaw ng Foxies ang 11-9 abante galing sa hataw ni middle blocker Aprylle Tagsip.
Bumida naman sina Molina at Meneses para ibigay sa Cignal ang 16-13 lead patungo sa match point, 24-20.