MANILA, Philippines — Matamis na redemption ang nasikwat ni coach Chot Reyes matapos manduhan ang Talk ‘N Text Tropang Giga sa ikalawang sunod na kampeonato sa PBA Governors’ Cup.
Sa nakalipas na taon ay naging sentro ng kritisismo si Reyes dahil sa kabiguan ng Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup noong siya pa ang head coach subalit pinatunayan muli ang sarili matapos ang 4-2 series win ng TNT kontra sa karibal na Barangay Ginebra sa unang conference ng PBA Season 49.
“I know a lot of people are talking about lesson learned, lesson learned. But it’s really lesson learned. I’m a very growth-minded individual. For me, all of the challenges and difficulties I went through in the past were opportunities for me to learn and grow,” ani Reyes matapos ang 95-85 panalo sa Game 6 kamakalawa ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Like you said, after all of that, to be back here and win a championship with this group of guys is incredibly satisfying, both on a personal and a team level,” ani Reyes.
Matatandaang iniwan muna ni Reyes saglit ang TNT noong nakaraang taon upang ituon ang buong atensyon sa preparasyon ng Gilas sa hosting ng FIBA World Cup.
Si Tropang Giga team manager Jojo Lastimosa ang humalili sa kanya at nagawa pa rin ang misyon nang kaldagin din ang Gin Kings sa 2023 PBA Governors’ Cup finals, 4-2, sa pangunguna ng resident import na si Rondae Hollis-Jefferson.
Matapos siyang bumaba sa puwesto bilang head coach ng Gilas, at palitan ni Ginebra mentor Tim Cone, ay bumalik sa TNT si Reyes subalit hindi pa agad nagtagumpay nang malaglag sa quarterfinals kontra sa Rain or Shine sa 2024 PBA Philippine Cup.
Ngayon, champion coach na uli si Reyes sa tulong ni two-time Best Import Hollis-Jefferson sa ikalawang subok sa kanyang pagbabalik para sa kanyang ika-10 titulo kontra pa sa matalik na kaibigan na si Cone na assistant coach niya rin sa FIBA World Cup.