Andiamo A Firenze wagi sa Cojuangco race

MANILA, Philippines — Walang awang iniligwak ng Andiamo A Firenze ang mga nakatunggali upang angkinin ang korona sa ‘Road to Amb. Eduardo M. Cojuangco Jr. Memorial Cup’ sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.

Kumaripas sa largahan ang Red Queen kaya hi­na­yaan lang ng Andiamo A Firenze na mauna ang ka­laban sa kaagahan ng karera.

Subalit sa kalagitnaan ng labanan ay ku­mapit na ang Andiamo A Firenze sa Red Queen at ilang hakbang pa ay inagaw na ng winning horse ang unahan.

Hindi na pinaporma ng Andiamo A Firenze ang mga kalaban dahil nasa apat na kabayo na ang abante kaya tumuloy na ito sa finish line sa event na suportado ng Philippine Racing Commission.

Ginabayan ni star jockey Jeffril Tagulao Zarate, nagwagi si Andiamo A Firenze na may walong kabayo ang agwat sa pumangalawang Mano Dura, tersero ang Velvet Haze at pang-apat ang Midnight Cat.

Inilista ng Andiamo A Firenze ang tiyempong 1:38.2 minuto sa 1,600 meter race sapat upang isubi ni winning horse owner Joseph Dyhengco ang P300,000.

Nasikwat ng second placer na Mano Dura ang P100,000 at napunta sa third placer Velvet Haze at fourth finisher Midnight Cat ang P50,000 at P25,000, ayon sa pagkakasunod.

Kumubra ang breeder ng nanalong kabayo ng P25,000 at may P15,000 at P10,000 ang second at third placers, ayon sa pagkakahilera.

Show comments