MANILA, Philippines — Tinagay ng Barangay Ginebra ang ikalawang sunod na panalo kontra sa reigning champion Talk ‘N Text, 106-92, upang makabalik sa laban at maitabla ang kanilang serye sa Game 4 ng 2024 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagliyab sa 34 puntos, 6 rebounds at 4 assists si Justin Brownlee upang diskarilin ang koronasyon ni Rondae Hollis-Jefferson bilang Best Import tungo sa pag-akay sa Ginebra sa 2-2 kartada sa best-of-seven titular showdown.
Nag-ambag ng tig-18 puntos sina Maverick Ahanmisi, Japeth Aguillar at Stephen Holt habang may 12 puntos si Scottie Thompson para sa balanseng atake ng Gin Kings na dumalawang sunod sa Tropang Giga.
Taob ang Ginebra sa unang dalawang ikot ng tagayan, 104-88 at 96-84, bago makabalikwas sa Game 3 na sinundan agad nila upang gawing best-of-three nalang ang duwelo para sa asam na korona. Bahagya lang ang bentahe ng mga bataan ni coach Tim Cone sa first quarter subalit kumalawa sa second upang makapagtayo ng 54-42 kalamangan na hindi na nila binitawan tungo sa malaking tagumpay.
Napurnada ang 28 puntos ni Hollis-Jefferson pati na ang 26 at 15 puntos nina Calvin Oftana at Rey Namabatac para sa Tropang Giga ni Chot Reyes.
Samantala, hinirang si eight-time PBA Most Valuable Player winner June Mar Fajardo ng San Miguel bilang Best Player of the Conference. Ito ang PBA record na pang-11 BPC award ng 34-anyos na Cebuano giant at ikalawang player na nanalo ng nasabing tropeo na hindi naglaro sa PBA Finals bukod kay Christian Standhardinger noong 2019 Governors’ Cup.