MANILA, Philippines — Nakabangon agad ang Far Eastern University mula sa pagkakadapa matapos kalusin ang University of the East, 59-51 sa UAAP Season 87 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion kahapon.
Nilista ng Tamaraws ang 4-7 record kasalo ang Adamson University sa fifth place kaya naman malaki pa ang tsansa nilang sumampa sa Final Four pagkatapos ng 14-game elimination round.
Maganda ang ipinakitang laro ng FEU sa second round dahil nakakatatlong panalo na sila sa apat na salang, yumuko lang sila sa University of Santo Tomas kahit kumana ang kanilang pambato na si Veejay Pre ng career-high 31 points.
“Pagkatapos nga ng first round sabi ni coach Sean mag-iiba kami sa second round, na mas magiging hungry kami sa wins. Proud na proud ako sa team namin kasi sa practice pa lang work hard na talaga kami and disciplined,” ani Pre.
Pinamunuan ni Pre ang opensa ng Tamaraws matapos ikahon ang 20 points at walong rebounds, napantayan na rin nila ang kanilang kartang tinapos sa nakaraang season.
Maagang uminit ang FEU sa first quarter nang hawakan nila ang 23-9 bentahe, nakapagtala sila ng impresibong 10-of-13 mula sa field dahil na rin sa kakisigan nina Pre, Cholo Anonuevo at Jorick Bautista.
Samantala, isang upset ang kinana ng National University matapos sakmalin ang University of the Philippines, 64-47 sa ikalawang laro.
Tangan ng Bulldogs ang 3-8 karta, kasalo nila sa No. 7 sa team standings ang Ateneo kung saan may natitira pa silang tatlong laro na kailangan nilang ipanalo para manatili ang kanilang tsansa sa magic 4.
Naudlot ang nais ng Fighting Maroons, hawak ang 9-2 karta, na makuha ang twice-to-beat bonus sa semis.