UST hiniya ng Ateneo

MANILA, Philippines — Pinabagsak ng Ateneo de Manila University ang University of Sto. Tomas sa kanilang bakuran matapos tukain ang 67-64 panalo sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion, kahapon.

Maka-ilang beses nagbalak ang Growling Tigers na makatabla sa clutch pero binigo sila ng Blue Eagles para ilipad ng huli ang pa­ngatlong panalo sa siyam na laro at saluhan sa No. 6 ang Far Eastern University.

May 16 segundo na lang sa fourth quarter kung saan ay lamang ang A­teneo ng dalawang puntos, bola ng Growling Tigers at posibleng maitabla nila ang iskor o makalamang ng isa pero nabasa ni Sean Quitevis ang inbound pass ni Forthsky Padrigao kay Nic Cabañero kaya nakapuntos ang Katipunan-based team mula sa fastbreak layup, 66-62.

Umiskor si Kyle Paranada para sa UST kaya dalawa ulit ang lamang ng Blue Eagles pero naging tatlo matapos ang split charity ni Ian Espinosa.

Huling tsansa ng España-based squad na makahirit ng overtime game pero natapik ang bola kay Christian Manaytay at i­nabutan na ito ng oras.

Nilista ni Andrew Bongo ang game-high 14 points at pitong rebounds habang bumakas si Espinosa ng 11 markers anim na boards para sa Blue Eagles na ipinalasap sa Growling Tigers ang pang-anim na talo sa siyam na salang.

Nag-ambag din sina Chris Koon at Shawn T­uano ng tig-10 markers para sa Ateneo.

Show comments