Beda, St. Benilde magtutuos

MANILA, Philippines — Pupuntiryahin ng nag­de­depensang San Beda University ang ikalawang sunod na panalo sa pagsa­gupa sa College of St. Be­nilde sa NCAA Season 100 men’s basketball sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.

Lalabanan ng Red Lions ang Blazers nga­yong alas-2:30 ng hapon matapos ang upakan ng Per­petual Altas at Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-11 ng umaga.

May magkatulad na 1-0 record ang San Beda at St. Benilde matapos ma­nalo sa una nilang laro.

Pinabagsak ng Red Lions ang Lyceum Pirates, 79-63, habang binigo ng Blazers ang Mapua Cardi­nals, 78-65.

“Hirap ng sked namin, first two games mabigat agad kalaban,” sabi ni San Beda coach Yuri Escueta sa Lyceum at St. Benilde.

Depensa naman ang ga­gamitin ng Blazers kontra sa Red Lions, ayon kay mentor Charles Tiu.

“It was a good game, we started it on defense,” ani Tiu sa kanilang come-from-behind win sa Cardi­nals.

Sa unang laro, kapwa target ng Altas at Heavy Bombers ang unang pana­lo.

Igigiya ni PBA legend Olsen Racela ang Perpe­tual laban sa Jose Rizal na bigong makapasok sa na­karaang Final Four.

Aasahan ng Altas sina rookie Mark Gojo Cruz at Ruvic Danag sa pagsagupa sa Heavy Bombers.

 

Show comments