MANILA, Philippines — Patuloy ang pagbuhos ng biyaya kay gymnast Carlos Edriel Yulo na matagumpay na umani ng dalawang gintong medalya sa 2024 Paris Olympics.
Umabot na sa tumataginting na P113 milyon ang insentibong natanggap nito mula sa cash rewards hanggang sa mga regalo mula sa gobyerno at iba’t ibang pribadong sektor.
Maliban sa P20 milyon na natanggap nito na nakasaad sa Republic Act 10699 o mas kilala sa tawag na National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act, kaliwa’t kanan pa rin ang nagbibigay ng pabuya kay Yulo.
Sa batas, may P10 milyon ang atletang makasusungkit ng gintong medalya sa Olympic Games.
Umabot sa P100 milyon ang insentibo nang magbigay ang Senate of the Philippines ng P3 milyon.
Ngunit umangat pa ito sa P113 milyon nang ibigay na ni business tycoon Manny V. Panglinan ang karagdagang P10 milyon habang may P3 milyon pang ibinigay ang Bounty Fresh.
Kasama na rito ang condominium unit sa McKinley Hill na nagkakahalaga ng P32 milyon.
May house and lot pa ito mula sa ibang pribadong kumpanya habang may dalawang brand new na kotse ito galing sa Toyota at Chery Tiggo.
Kaliwa’t kanan pa ang nagbibigay ng pabuya gaya ng unlimited buffet, libreng flights mula sa Philippine Airlines at Cebu Pacific, at ilan pang libre mula sa mga kumpanya.
Kaya naman buhay na buhay na si Yulo hanggang sa magretiro ito.
Gayunpaman, walang balak tumigil si Yulo dahil desidido itong depensahan ang kanyang dalawang korona sa 2028 LA Olympics.
Sa katunayan, pakay ni Yulo na madagdagan pa ito partikular na sa men’s all-around at men’s parallel bars.
Naghari si Yulo sa men’s floor exercise at men’s vault sa Paris Games.
Malaki ang pasasalamat ni Yulo sa lahat ng sumuporta at tumulong sa kanya gayundin sa mga kumpanyang nagbahagi ng biyaya sa kanyang tagumpay.
“Nagpapasalamat ako sa lahat ng sumusuporta hindi lang sa akin maging sa lahat ng mga atletang Pilipino,” ani Yulo.
Nanatili namang mailap si Yulo sa usapin tungkol sa kanyang pamilya.
Nais ni Yulo na resolbahin ang mga isyu ng pribado kaya’t minabuti nitong huwag nang talakayin pa ang isyu.