HD Spikers, Chargers pasok sa quarters

MJ Perez.
STAR/File

MANILA, Philippines — Ibinulsa ng Cignal HD ang quarterfinals ticket sa bisa ng 25-23, 28-26, 25-27, 25-14 pagdaig sa Farm Fresh sa Pool D ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Bumangon ang HD Spikers mula sa naunang kabiguan papasok sa knockout quarterfinals sa kanilang 5-1 record at inilaglag ang Foxies sa 2-4.

Pumalo si Venezuelan import MJ Perez ng 25 points habang may 14, 13 at 11 markers sina Ces Molina, Rose Doria at Chin Basas, ayon sa pagka­kasunod.

“Thank you kay Lord for guiding us the whole game,” ani Cignal coach Shaq Delos Santos. “Si­yempre, ito rin iyong mindset namin na kailangang makabawi lang sa pagkatalo namin last game.”

Nakaiwas ang Farm Fresh na mawalis nang agawin ang third set, 27-25, para sa 1-2 agwat sa laro, ngunit kumulapso sa gitna ng fourth frame.

Sa unang laro, inangkin ng Akari ang unang quarterfinals berth mula sa 23-25, 25-15, 25-16, 22-25, 18-16 pag-eskapo sa Galeries Tower.

Bumanat si American import Oly Okaro ng 32 points mula sa 28 attacks at apat na blocks para sa 6-0 kartada ng Chargers.

Show comments