Cool Smashers diretso sa 4th win

MANILA, Philippines — Hinataw ng Creamline ang ikaapat na sunod na panalo matapos ang 25-18, 25-18, 25-20 paggiba sa Nxled sa Pool A ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Nagtala sina American import Erica Staunton at Bernadeth Pons ng tig-13 points at may 12 markers si Michele Gumabao para sa 4-1 baraha ng Cool Smashers.

Laglag ang Nxled ni Chinese coach Chen Gang sa 1-4.

“Sobrang saya namin kasi siyempre, pagpunta mo sa second round carryover iyong standings. So thankful kami at naka 4-1 kami,” ani Creamline coach Sherwin Meneses

Matapos kunin ang 2-0 bentahe ay inagaw ng Nxled ang 11-5 abante sa third set.

Ngunit nakatabla ang Cool Smashers sa 15-15 sa pangunguna nina Staunton, Pons at Gumabao patungo sa 24-20 match point laban sa Chameleons.

Sa unang laro, pumalo si Russian import Elena Samoilenko ng 22 points tampok ang 20 attacks sa 25-20, 25-23, 25-23 pagwalis ng PLDT sa Farm Fresh.

Nagdagdag si Fiola Ceballos, tumipa ng 11 points at 10 excellent digs habang may 12 excellent sets si Kim Fajardo para sa 4-1 baraha ng PLDT.

Nadiskaril ang hangad na ikatlong sunod na ratsada ng Foxies para sa 2-3 karta.

Lalabanan ng top three teams sa Pool A ang Pool B bottom three teams na two-time defending champion Petro Gazz (2-3), Choco Mucho (1-4) at ZUS Coffee (0-5) sa Pool C sa crossover second round.

Sasampa ang Top 8 squads sa knockout quarterfinals.

Show comments