MANILA, Philippines — Solido ang training program ni Carlos Edriel Yulo na magandang maging template para sa ibang atleta na nais maging matagumpay sa Olympic Games.
Hindi naging madali ang daang tinahak ni Yulo bago nito makuha ang dalawang gintong medalya sa Paris Olympics.
Pinagharian nito ang men’s floor exercise at men’s vault upang iangat ang bandila ng Pilipinas sa Paris Games.
Kaya naman naniniwala si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino na maganda itong gawing template sa paghubog ng Pinoy athletes.
“Caloy has again proven that a Filipino can win in the Olympics with the right ingredients and formula and through the proper process,” ani Tolentino.
Sa program ani Yulo, may personal coach ito kasama ang nutritionist at occupational therapist para mabantayan ito ng husto sa lahat ng aspeto.
“Gone are the anecdotal ways of training athletes for the global stage. Today, you have a platoon of coaches on your team, plus years on the production line,” ani Tolentino.
Ganito rin ang ginawa ni Hidilyn Diaz na siyang nakasungkit ng kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas sa Olympics noong 2021 Tokyo edition.
Mayroon din si Diaz na main head coach, assistant coach, strength and conditioning coach, nutritionist, physiotherapist at psychologist.
Apat na beses sumalang si Diaz sa Olympics — noong 2008 sa Beijing, China, noong 2012 sa London, England, noong 2016 sa Rio de Janeiro, Brazil kung saan nakasikwat ito ng pilak at noong 2021 sa Tokyo, Japan kung saan ito nakaginto.
“Caloy, basically, went through all of that, and both Caloy and Hidilyn have the scars of battle in numerous international competitions. This is the tried and tested formula for Olympic success,” ani Tolentino.