Lacsina, Akari sasagupa sa Capital1

Ivy Lacsina

MANILA, Philippines — Sasagupain ng bagong bihis na Akari ang nagpa­lakas ding Capital1 Solar Energy sa Pool B ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Confe­rence ngayon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Magtutuos ang Chargers at Solar Spikers nga­yong alas-4 ng hapon matapos ang salpukan ng nagdedepensang Petro Gazz Angels at Zus Coffee Thunderbells sa alas-2 ng hapon.

Sa alas-6 ng gabi ay mag­haharap ang Choco Mucho Flying Titans at Cignal HD Spikers.

Ang tatlong mananalong koponan ang makakasama ng mga opening day winners na Nxled Chameleons, Chery Tiggo Crossovers at PLDT High Speed Hitters sa Pool A.

Ipaparada ng Akari ang mga bagong hugot na sina Ivy Lacsina, Dani Ravena, Kamille Cal at Camille Victoria matapos ang swap sa sister team na Nxled.

Aasahan din ng tropa si American import Oluoma Okaro.

Si No. 2 overall pick Leila Cruz ang itatampok ng Capital1 kasama sina Russian import Marina Tushova at sina No. 14 pick Roma Mae Doromal at No. 20 selection Gilliana Torres.

Sa unang laro, target din ng Petro Gazz ang unang panalo sa pagharap sa Zus, dating Strong Group Athle­tics, na maglalaro na wala si Alas Pilipinas member at No. 1 overall pick Thea Gagate.

Isasalang ng Gazz Angels, pinagreynahan ang 2022 Reinforced Confe­rence kasama si import Lindsey Vander Weide, ang nagbabalik na si American import Wilma Salas.

Nagkampeon din ang koponan noong 2019 Reinforced Conference katuwang ang namayapa nang si Janisa Johnson.

 

Show comments