Japan umeskapo sa Gilas Women

MANILA, Philippines — Tumindig ang Gilas Pilipinas women kontra sa Japan bago kapusin lang nang bahagya para sa pambihirang 85-83 kabiguan sa 2024 Women’s William Jones Cup kahapon sa Taiwan.

Binura ng Gilas ang 10-point deficit matapos ang masagwang simula subalit hindi nakumpleto ang comeback win tungo sa ikalawang kabiguan nito sa tatlong salang.

Unang yumukod ang Gilas sa Chinese Taipei B, 73-60, bago nakaiskor ng unang panalo kontra sa Malaysia, 74-63.

Sunod na makaharap ng Filipina dribblers ang Thailand ngayon at Chinese Taipei A bukas para kumpletuhin ang kampan­ya nito.

Bumandera para sa world No. 40 Gilas si Afril Bernardino na may all-around na 21 puntos, 11 rebounds, 3 assists, 6 steals at 3 tapal.

Humakot din ng 20 puntos at 11 rebounds si Jack Animam habang nag-ambag din ng tig-12 puntos sina Khate Castillo at Gilas girls standout Naomi Natalie Panganiban para sa koponan ni coach Pat Aquino.

Limang players ang umiskor ng double digits para sa Asian powerhouse na Japan na nanatiling walang galos sa 3-0 sa pangunguna nina Fujisawa Yuka at Sato Takkao na may tig-13 puntos.

May 11 rin si Yamamoto Haruka habang may tig-10 sina Yamada Aoi at Asahina Azusa para sa world No. 9 na Japan, na siyang silver medalist sa 2023 FIBA Women’s Asia Cup at Asian Games.

 

Show comments