MANILA, Philippines — Masaya sina Bella Belen at Angel Canino na magkasama na ito sa iisang team — sa Alas Pilipinas — mula sa kanilang pagiging mortal na magkaribal sa UAAP women’s volleyball wars.
Alam ni Belen na marami pa silang ibubuga sa mga susunod na laban ng Alas Pilipinas lalo pa’t unti-unti nang nabubuo ang solidong samahan ng tropa.
“Happy kasi nakasama ko si Angel sa national team. Siyempre, kalaban ko siya ng UAAP, ngayon magka-teammate na kami,” ani Belen na reigning UAAP MVP.
Parehong UAAP Rookie-MVP sina Belen at Canino.
Kaya naman walang duda na malaki ang maitutulong ng dalawa sa Alas Pilipinas.
“I think magiging maganda yung connection namin pag nag-training pa nang matagal. I think kaya namin i-bring out yung best sa aming dalawa,” ani Belen.
Kung si Canino ang tatanungin, mas nanaisin nitong maging teammate si Belen sa halip na makalaban sa isang torneo.
“Actually, natutuwa kasi sabi ko nga sa kanila na mas pipiliin ko pang maging teammate si Bella kaysa kalaban so sa tagal ko din pong gustong maka-teammate ulit si ate Bella, I’m very happy na naging teammate ko siya right now,” ani Canino.
Hindi naman ito ang unang pagkakataon na naging magkasama sina Belen at Canino sa isang team.
Naglaro na ang dalawa para sa Pilipinas sa 2019 Asean Schools Games kung saan nakapag-uwi ang tropa ng pilak na medalya.