BEST nagpalubog ng ginto sa National Age Group

Jamesrey Ajido.
Contributed photo

MANILA, Philippines —  Nagparamdam ang Behrouz Elite Swimming Team (BEST) matapos kumana ng 12 ginto, siyam na pilak at dalawang tansong medalya sa 2024 National Age Group Championships na ginaganap sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Malate, Manila.

Nanguna sa matikas na kampanya ng BEST ang Mojdeh siblings na sina Madi, Mikhael Jasper at Micaela Jasmine.

Matikas si Madi na pambato ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque na sumiguro ng apat na ginto at isang pilak sa Class A boys’ 13-year division.

Nasungkit ni Madi ang unang ginto nito sa 400m Individual Medley matapos magtala ng 05:12 segundo kasunod ang 100m breastroke tangan ang 1:16.49.

Wagi rin ng ginto si Madi sa 200m backstroke (2:34.11) at 100m butterfly (1:05.41) bago makasikwat ng pilak sa 200m freestyle (2:20.10).

Hindi rin nagpahuli si Mikhael Jasper — itinanghal na Most Outstan­ding Swimmer sa Thailand swimming meet noong Pebrero — na sumisid ng apat na ginto sa Class A boys’ 9-year category.

Nangibabaw si Mikhael Jasper sa 200m freestyle (2:45.76), 100m butterfly (1:34.70), 50m backstroke (39.94) at 100m breaststroke (1:51.00).

Sa kabilang banda, nakasikwat si Micaela Jasmine ng isang ginto at dalawang pilak sa Class A girls’ 17-over event.

Nagreyna si Micaela Jasmine sa 100m breaststroke sa bilis na 1:16.62 habang pumangalawa ito sa 100m butterfly at 200m backstroke.

Show comments