Ilang buwan lang ang lumipas nang huling nakipag-umpukan si Yoyong Martires sa ilang kapwa retired basketball players.
At kasama si Yoyong sa nagpaunlak magsalita kasama sina Atoy Co, Ompong Segura, Gil Cortez at ang event host na si Dante Silverio sa salu-salo ng ilang Crispa at Toyota players kasama sina Olympians Jimmy Mariano at Marte Samson.
Pinakatumatak ang pagtayo ni Yoyong.
Aniya dahil siya ang pinakamatanda sa umpukan (na matulin kinorek ng marami dahil nandoon ang kanyang longtime national teammate na si Mariano), gusto niyang magbigay ng payo.
Ang buod ng kanyang payo sa mga kasama: Hinay hinay lang.
Pansin niya ang paglaganap ng rage o galit sa social media, sa lipunan, sa karsada.
“Laganap ang rage sa karsada. Pag may na-encounter kayong ganyan, hayaan n’yo na. Isipin n’yo na lang na mas maayos ang buhay n’yo kaysa kanya,” ani Yoyong.
Ilang wisdom pa ang kanyang nai-share – dunong na nag-umapaw sa kanyang pagsabak sa acting at public service pagkatapos ng kanyang playing career.
Pero siyempre, sa basketball unang umalingawngaw ang kanyang pangalan dahil sa matayog na career highlighted nang pagsusuot ng national jersey sa international wars kasama ang 1972 Munich Olympics.
Pumanaw si Yoyong noong nakaraang araw sa edad na 77.