Semis berth target ng Kazakhstan, Hong Kong

Hinatawan ni Vanie Gandler ng Alas Pilipinas ang Iran players sa AVC Challenge Cup.

MANILA, Philippines — Paglalabanan ng Kazakhstan at Hong Kong ang semifinals ticket sa 2024 Asian Volleyball Confe­deration (AVC) Challenge Cup for Women matapos talunin ang mga karibal kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.

Giniba ng Kazakhstan ang Indonesia, 25-17, 25-13, 25-22, habang tinalo ng Hong Kong ang Singapore, 25-14, 25-12, 25-12, para sa magkatulad nilang 2-1 record sa Pool B.

Pumalo si outside hitter Zhanna Syroyeshkina ng 23 points mula sa 19 attacks at apat na service aces para sa mga Kazakhs na inihulog ang mga Indonesians sa 1-2 marka.

“The first option for us is to win, this is the main goal,” wika ni Kazakhstan team captain Kristina Belova sa torneong inorganisa ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara.

Bumanat naman si opposite spiker Lam Shum ng 17 kills, habang may 15 markers si Wing Lam Chim sa pagpapabagsak ng Hong Kong sa Singapore sa 0-4 baraha.

Magtutuos ang Kazakhstan at Hong Kong ngayong ala-1 ng hapon para sa semifinals spot .

Show comments