Pag-entra sa semis ng SMB pinigil ng Terrafirma

Nagpumiglas si Terrafirma guard Juami Tiong- son sa depensa ni SMB forward Rodney Brondial.
PBA

MANILA, Philippines — Maugong ang naging pagbabalik ng Terrafirma sa playoffs matapos ang walong taon nang ginulungan ang paborito at reigning champion na San Miguel, 106-95, upang makapuwersa ng knockout match sa 2024 PBA Phi­lippine Cup quarterfinals kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Huling nakapasok sa post-season noon pang 2016, hindi nagpasidank ang Dyip sa top-seeded na Beermen na armado ng twice-to-beat advantage sa likod ng pamamayani ng ace guard na si Juami Tiongson para makahirit ng Game 2.

Kumamada ng 29 puntos, 6 rebounds at 3 assists si Tiongson tampok ang huling puntos ng Dyip na naiskor din ang una nitong playoff win sa kasaysaysan ng prangkisa simula nang sumali sa PBA bilang expansion team.

Bukod dito, ang Dyip din ang unang No. 8 team sa loob ng limang taon na nakaiskor ng panalo  kontra sa No. 1 team buhat nang magawa ito ng NorthPort kontra sa NLEX noong 2019 Governors’ Cup.

Nakatulong ni Tiongson para maisakatuparan ito ng Dyip sina Stephen Holt at Javi Gomez De Liaño na may 25 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod. Nag-ambag naman ng career-high na 22 puntos si Isaac Go.

Kagagaling lang ng Terrafirma sa 104-96 win kontra sa NorthPort sa knockout playoff para masikwat ang huling playoff ticket at sinakyan nila ang momentum nito kahit pa kontra sa bigating SMB.

Hindi sumapat ang 21 puntos at 16 rebounds ni 7-time PBA MVP June Mar Fajardo para sa SMB.

Show comments