Lady Knights ‘di bibitaw sa No. 3 spot kontra Lady Cardinals

MANILA, Philippines — Nais ni Judiel Nitura at ng Letran na masilo ang panalo kontra Mapua pa­ra mapalakas ang kapit sa No. 3 spot sa NCAA Sea­son 99 women’s volley­ball tournament sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.

Hawak ang 4-1 karta, nakapuwesto ang Lady Knights sa third spot, habang nasa likuran ang Per­petual Help Lady Altas at makakalaban na Lady Cardinals na may parehong 3-2 records.

Magtutuos ang Letran at Mapua ngayong alas-10 ng umaga kasunod ang girian ng Perpetual at San Sebastian sa alas-2 ng hapon.

Talo ang Lady Knights sa nagdedepensang St. Benilde Lady Blazers kaya nais nilang makabawi upang manatiling mala­kas ang misyong makasungkit ng korona ngayong season.

Bukod kay Nitura, hu­hugot din ng puwersa ang Letran kina Gia Marcel Maquilang, Nizelle Aeriyen Martin at Royce Dela Cruz.

Sina Freigh Anne Garcia at Roxie Dela Cruz ang kakapitan ng Lady Car­dinals sa opensa.

Nag-init ang opensa ni Dela Cruz nang kalusin ng Mapua ang Jose Rizal University, 25-20, 25-19, 25-19, noong Martes.

Kasalukuyang nasa tuk­tok ang St. Benilde na may malinis na 6-0 record kasunod ang Lyceum.

 

Show comments