MANILA, Philippines — Nais ni Judiel Nitura at ng Letran na masilo ang panalo kontra Mapua para mapalakas ang kapit sa No. 3 spot sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan City.
Hawak ang 4-1 karta, nakapuwesto ang Lady Knights sa third spot, habang nasa likuran ang Perpetual Help Lady Altas at makakalaban na Lady Cardinals na may parehong 3-2 records.
Magtutuos ang Letran at Mapua ngayong alas-10 ng umaga kasunod ang girian ng Perpetual at San Sebastian sa alas-2 ng hapon.
Talo ang Lady Knights sa nagdedepensang St. Benilde Lady Blazers kaya nais nilang makabawi upang manatiling malakas ang misyong makasungkit ng korona ngayong season.
Bukod kay Nitura, huhugot din ng puwersa ang Letran kina Gia Marcel Maquilang, Nizelle Aeriyen Martin at Royce Dela Cruz.
Sina Freigh Anne Garcia at Roxie Dela Cruz ang kakapitan ng Lady Cardinals sa opensa.
Nag-init ang opensa ni Dela Cruz nang kalusin ng Mapua ang Jose Rizal University, 25-20, 25-19, 25-19, noong Martes.
Kasalukuyang nasa tuktok ang St. Benilde na may malinis na 6-0 record kasunod ang Lyceum.