MANILA, Philippines — Magpapakitang-gilas sina Karl Eldrew Yulo at Elaiza Andriel Yulo sa Pacific Rim Championships na idaraos sa Cali, Colombia sa Abril 26 hanggang 28.
Nakababatang kapatid ni world champion Caloy Yulo sina Karl Eldrew at Elaiza Andriel.
Galing si Caloy sa matagumpay na kampanya sa FIG Artistics Gymnastics World Cup Series na ginanap sa Doha, Qatar kung saan nagbulsa ito ng isang ginto at isang pilak.
Nanguna si Caloy sa men’s parallel bars habang pumangalawa ito sa men’s vault.
Pagkakataon naman ito nina Karl Eldrew at Elaiza Andriel na magpasiklab upang masundan ang magandang ratsada ni Caloy sa World Cup Seires.
Kasama sina Karl Eldrew at Elaiza Andriel sa national team na sasabak sa Colombia meet.
“Our Artistic Gymnastics Team is ready to take on the challenge of competing against Pacific Countries in the upcoming Pacific Rim Championships in Cali, Colombia this April 26 - 28, 2024,” ayon sa post ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) sa social media.
Maliban kay Karl Eldrew, hahataw din sina Juancho Miguel Besana, Justine Ace De Leon, John Ivan Cruz, Jan Gwynn Timbang at Jhon Romeo Santillan sa men’s division.
Makakasama naman ni Elaiza Andriel sa women’s class sina Ancilla Lucia Mari Manzano at Kursten Rogue Lopez.