MANILA, Philippines - Patuloy ang magandang ratsada ni Alex Eala matapos makasiguro ng tiket sa women’s doubles finals ng International Tennis Federation (ITF) Open 3C Seine-et-Marne na ginaganap sa Croissy-Beaubourg sa France.
Katuwang ni Eala si Estelle Cascino ng host France upang umabante sa championship round ng naturang torneo.
Inilatag nina Eala at Cascino ang buong puwersa nito para mabilis napataubin sina Kira Pavlova ng Russia at Marie Weckerie ng Luxembourg sa pamamagitan ng 6-3, 6-3 demolisyon sa semifinals.
Mapapalaban sina Eala at Cascino sa finals dahil makakasagupa nito ang top-seeded pair na sina Maia Lumsden ng Great Britain at Jessika Ponchet ng France.
Dumaan muna sa butas ng karayom sina Lumsden at Ponchet bago makuha ang 2-6, 7-5, 10-0 come-from-behind win laban sa American tandem na sina Carmen Corley at Ivana Corley sa hiwalay na semis.
Bago makapasok sa semis, tinalo muna nina Eala at Cascino sina Emily Appleton ng Great Britain at Isabelle Haverlag ng Netherlands sa quarterfinals.
Nanaig din sina Eala at Cascino kina Prarthana Thombare ng India at Céline Naef ng Switzerland sa Round of 16.
Magandang panalo ito para kay Eala matapos yumuko sa Round of 16 sa women’s singles noong Miyerkules.
Nais ni Eala na makakuha ng maraming panalo upang mas lalo pang mapataas ang kanyang kasalukuyang ranking sa WTA.
Nasa ika-171 puwesto ito--ang pinakamataas na ranking na nakuha nito sa kanyang tennis career.