Magic kumuha ng play-in berth sa playoffs

Ang layup ni Cole Anthony ng Magic matapos makawala kay Tre Mann ng Hornets.

ORLANDO — Kumamada si Cole Anthony ng 21 points sa 112-92 paggupo ng Magic sa Charlotte Hornets para opisyal na angkinin ang isang play-in berth sa Eastern Confe­rence playoffs.

Naglista si Jalen Suggs ng 16 points, 6 assists at 3 steals habang may 13 markers si Paolo Banchero para sa Orlando (41-28) na nasa fifth spot sa East.

Pinamunuan nina rookies Brandon Miller at Vasilije Micic ang Charlotte (17-52) sa kanilang 21 at 20 points, ayon sa pagkakasunod.

Kinuha ng Magic ang 67-32 halftime lead bago tuluyang ibaon ang Hornets sa 91-65 papasok sa fourth quarter.

Sa San Antonio, tumipa si Kyrie Irving ng 28 points at kumolekta si Luka Doncic ng triple-double na 18 points, 16 assists at 10 rebounds sa 113-107 pagdaig ng Dallas Mavericks (40-29) sa Spurs (15-54).

Sa New York, humataw si Zion Williamson ng 28 points para gabayan ang New Orleans Pelicans (42-26) sa 104-91 paggupo sa Brooklyn Nets (26-43).

Sa Washington, kumamada si Fil-Am Jalen Green ng career high 42 points sa 137-114 panalo ng Houston Rockets (33-35) sa Wizards (11-58).

Show comments