MANILA, Philippines — Inilatag ni Carlo Biado ang matikas na porma nito para masikwat ang korona ng 2024 Predator WPA Men’s World 10-Ball Championship sa Rio All Suite Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Nailista ni Biado ang 3-1 pananiag laban kay Naoyuki Oi ng Japan sa championship showdown upang matamis na angkinin ang kanyang unang major title sa taong ito.
Bumanat si Biado ng 4-1 panalo sa Game 1 bago nakaresbak si Oi sa iskor na 4-3 sa Game 2.
Subalit inilabas na ni Biado ang bagsik nito sa mga sumunod na laro para kubrahin ang 4-2 panalo sa Game 3 at 4-1 panalo sa Game 4.
Nakapasok si Biado sa finals matapos patumbahin sina Russian-America Fedor Gorst, 1-4, 4-3, 4-2, 4-2, sa semifinals at Ko Pin-yi ng Chinese Taipei sa quarterfinals, 4-1, 0-4, 4-1, 3-4, 4-1.
Kabilang din sa mga tinalo ni Biado sina Australian Justin Sajich, dating world champion American Shane Van Boening at Taiwanese Lin Wu Kun.
Naibulsa ni Biado ang tumataginting na $75,000 papremyo o katumbas ng mahigit P4 milyon, habang nagkasya si Oi sa $45,000 konsolasyon.
Ito ang ikalawang korona ni Biado sa taong ito matapos pagharian ang 2024 Chinese-Taipei Open kung saan naibulsa nito ang $25,000 premyo.
Ang World 10-Ball ang ikatlong world title ni Biado sa kanyang karera.