MANILA, Philippines — Higanteng 2-0 bentahe ang tangka ng San Miguel Beer, habang misyon ng Magnolia na makatabla sa Game Two ng 2023-2024 PBA Commissioner’s Cup Finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Isang araw lang ang pahinga ng dalawang magkaribal pero siguradong gigil na sumabak ulit sa duwelo ngayong alas-6:15 ng gabi matapos ang dikdikang bakbakan sa Game One ng kanilang best-of-seven finale series.
Wagi ang Beermen, 103-95, subalit kinailangan ang buong puwersa hanggang dulo matapos muntikang masayang ang 20 puntos na kalamangan.
Ngayon ay aabangan ng Beermen ang higanti ng Hotshots at susubukang mapigilan ito upang makalapit ng dalawang hakbang na lang mula sa kampeonato.
“I’m sure they’re gonna come out strong. We will have to match their intensity and energy,” pahayag ni head coach Jorge Gallent.
Nakapagtayo ng higanteng 94-74 lamang ang Beermen sa huling anim na minuto ng laban bago baklasin ito ng Hotshots sa 95-100 sakay ng 21-6 ratsada sa huling minuto matapos ang free throw ni Aris Dionisio.
Sa kabutihang palad ay may sapat na bala ang SMB upang maitakas ang dikit na panalo.
Pero hindi papayag nang ganoon lang ang Magnolia ni coach Chito Victolero na tiwalang makakabawi upang maitabla ang serye sa pangugunguna ni Best Import candidate Tyler Bey kasama sina Paul Lee, Mark Barroca, Calvin Abueva, Jio Jalalon at Ian Sangalang.
Tulad naman sa Game One, sasandal ang Beermen sa pambatong import si Bennie Boatwright Jr. matapos itong kumamada ng 28 points, 16 rebounds at 2 blocks.
Makakaakbay ni Boatwright sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Jericho Cruz, Marcio Lassiter, Don Trollano, Chris Ross at Terrence Romeo.