Eumir kakasa sa pro fight sa March 16

MANILA, Philippines — Mapapalaban si Asian Games silver medalist Eumir Felix Marcial sa kanyang unang pro fight sa taong ito na nakatakda sa Marso.

Mismong si Marcial ang nagpahayag ng balita sa kanyang social media accounts kung saan sasabak ito sa pro fight sa Marso 16.

Wala pang ibinigay na eksaktong detalye kung sino ang makakalaban nito at saan gaganapin ang laban.

Kaya naman pukpukan na ang paghahanda ni Marcial para masigurong malinis ang rekord nito sa professional boxing.

“Magkita kita po tayong lahat mga idol sa next pro fight ko sa March 16. Let’s go!,” ani Marcial sa kanyang post.

Matinding ensayo na ang pinagdadaanan ni Marcial upang mas lalo pang mapataas ang lebel ng laro nito.

Ang kanyang pro fight ay bahagi ng plano bago ito sumabak sa 2024 Olympics na idaraos sa Hulyo sa Paris, France.

Sa kasalukuyan, tanging si Marcial pa lamang ang Pinoy boxer na nakasisiguro ng tiket sa Paris Olympics.

Nasungkit ni Marcial ang tiket sa Paris Games matapos ang kanyang silver-medal finish sa 19th Asian Games na ginanap sa Hangzhou, China. 

Show comments