OKLAHOMA CITY — Humataw si Shai Gilgeous-Alexander ng 37 points para banderahan ang Thunder sa 112-100 pagdaig sa Magic at sumosyo sa Minnesota Timberwolves para sa Western Conference lead.
Nag-ambag si Jalen Williams ng 16 points at may 15 markers si Chet Holmgren para sa ikaapat na sunod na arangkada ng Oklahoma City (27-11).
Tumapos si Paolo Banchero na may 20 points, 9 rebounds at 8 assists para sa ikatlong dikit na kamalasan ng Orlando (21-18) na naglaro na wala sina Franz Wagner (right ankle sprain), Wendell Carter Jr. (right knee tendinitis), Markelle Fultz (left knee injury maintenance), Gary Harris (right calf strain) at Joe Ingles (left ankle injury maintenance).
Humugot si Gilgeous-Alexander ng 22 points sa first half para tulungan ang Thunder na maitayo ang 49-40 halftime lead patungo sa 86-73 bentahe sa Magic sa third period.
Sa Memphis, nagtala si Julius Randle ng 24 points at 11 rebounds sa 106-94 panalo ng New York Knicks (23-16) sa Grizzlies (14-25).
Sa Boston, humataw si Jaylen Brown ng 32 points at may 27 markers si Jayson Tatum bago napatalsik sa fourth quarter sa 145-113 pagdurog ng Celtics (30-9) sa Houston Rockets (19-19).