MANILA, Philippines — Hindi maganda ang pagtatapos ng taon para kay Gilas Pilipinas standout Rhenz Abando matapos magtamo ng injury sa laban ng Anyang Jung Kwang Jang at Goyang Sono sa Korean Basketball League (KBL).
Kita ang mabigat na pagbagsak ni Abando sa kasagsagan ng laban sa isang video na nakapost online.
Sinubukan ni Abando na makuha ang offensive rebound kung saan tumalon ito ng mataas para maabot ang bola matapos ang mintis ng katropa nitong si Hyo-Geun Jeong sa second quarter ng laro.
Nakabangga nito sa mid-air ang Goyang import na si Chinanu Onuaku.
Subalit hindi maganda ang bagsak nito dahil likod ang lumapat sa sahig dahilan upang mamilipit ito sa sakit ng ilang sandali.
Nagawang makatayo pa ni Abando.
Ngunit agad itong ipinasuri at natuklasan na nagtamo ito ng lumbar vertebrae 3 and 4 fractures at nagka-sparing sa kanyang kamay.
Mangangailangan ang Korean Basketball League Slam Dunk champion ng apat hanggang limang linggo para tuluyang gumaling ang kanyang likod.
Maganda ang inilalaro ni Abando sa KBL.
Mayroon itong averages na 9.5 points, 4.6 rebounds at 1.0 assist sa kasalukuyang season ng liga.
Natalo ang Anyang sa Goyang sa iskor na 81-85.
Kaliwa’t kanan ang mainit na mensahe para sa mabilis na paggaling ni Abando. Kabilang na rito si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na nagpost sa kanyang social media account.
“Just read about Rhenz! Wow, scary. Our prayers are with him,” ani Cone.