Tropang Giga itinumba ang Bossing

MANILA, Philippines — Inilista ng TNT Tropang Giga ang kanilang ika­lawang sunod na paalo matapos taluin ang Blackwater, 105-96, sa PBA 48th Season Commissio­ner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Humakot si import Ron­dae Hollis-Jefferson ng 42 points, 12 rebounds at 8 assists para sa 4-3 ba­raha ng Tropang Giga.

Nagdagdag si Jayson Castro ng 18 mar­kers at may 14 at tig-10 points sina Calvin Oftana, Kib Montalbo at Glenn Khobuntin, ayon sa pag­ka­kasunod.

Lagapak ang Bossing sa pang-pitong dikit na kamalasan para sa 1-7 kar­tada.

Hinataw ni Hollis-Jef­ferson ang 13 points sa third quarter bilang ba­hagi ng kabuuang 33 mar­kers ng TNT kasabay ng paglimita sa Blackwater sa 17 points.

Sa bisa nito ay ipinos­te ng Tropang Giga ang 85-68 abante papasok sa fourth period kung saan nila kinuha ang 105-92 ka­­lamangan sa huling 2:44 minuto ng laro.

Humakot si import Chris Ortiz ng 25 points at 20 rebounds para banderahan ang Bossing.

Una at huling nanalo ang Blackwater noong Nobyembre 8 kung saan nila tinalo ang Converge, 103-84, sa Philsports Are­na sa Pasig City.

Nag-ambag si Rey Suerte ng 13 markers ka­­sunod ang 12 points ni Troy Rosario.

Samantala, lalabanan ng Magnolia ang Rain or Shine ngayong alas-6:15 ng gabi sa Xavier U Gym sa Cagayan De Oro City.

Bitbit ng Hotshots ang 7-0 record at hangad na ma­pormalisa ang pagpasok sa quarterfinals.

May 2-5 marka naman ang Elasto Painters mula sa dalawang sunod na pa­nalo.

Show comments