MANILA, Philippines — Balik-PBA na sa wakas si ace guard Robert Bolick subalit ibang uniporme na ang isusuot sa kanyang bagong simula kasama ang NLEX Road Warriors ngayon sa 2023 PBA Commissioner’s Cup.
Makikilatis si Bolick bilang pinakabagong Road Warrior sa unang pagkakataon kontra sa Talk ‘N Text sa alas-8 ng gabi matapos ang banggaan ng Terrafirma at Converge sa alas-4 ng hapon.
Na-trade kamakalawa si Bolick mula sa NorthPort, na may hawak ng kanyang playing rights kahit pa nag-Japan ito nang saglit, sa three-team multi-player trade na inapubrahan ng PBA.
Noong nakaraang season pa huling naglaro sa PBA si Bolick bago siya naglipat-bakod sa Japan B. League Division II.
Saglit lang naglaro si Bolick sa Fukushima Firebonds nang kinailangan umuwi ng Pinas dahil sa maselan na pagbubuntis ng kanyang asawa.
Ngayon, sasalang siya sa bagong simula bitbit ang pag-asang matulungan ang NLEX na nasa three-game losing skid para sa 2-5 kartada.
Haharang sa debut ni Bolick sa NLEX ang TNT, na namomroblema rin sa 2-3 kartada kahit pa kasama ang pambatong import na si Rondae Hollis-Jefferson.
Nasa NLEX na rin si Kent Salado mula sa NorthPort para sa misyong mapunan ang pwestong naiwan ni Kevin Alas matapos ang ACL injury nito.