Nuggets tinapos ang kamalasan

ATLANTA — Umiskor si Jamal Murray ng 29 points habang may 25 markers si Nikola Jokic sa 129-122 pagdakma ng nagdedepensang Denver Nuggets sa Hawks.

Tinapos ng Denver (15-9) ang kanilang three-game losing skid at inihulog ang Atlanta (9-13) sa ikaapat na sunod na kamalasan.

Nagdagdag si rookie Julian Strawther ng career-high 22 points tampok ang anim na three-pointers at kumolekta si Aaron Gordon ng 18 points at 12 rebounds para sa Nuggets.

Kumamada si Bogdan Bogdanovic ng mga career highs na 40 points at 10 triples sa panig ng Hawks na nabaon sa 20-point deficit sa pagsisimula ng fourth quarter.

Sa Philadelphia, humakot si Joel Embiid ng 34 points at 10 rebounds sa 146-101 pagmasaker ng 76ers (15-7) sa Washington Wizards (3-19).

Sa Orlando, nagposte si Paolo Banchero ng 20 points at 10 rebounds at may 19 markers si Franz Wagner sa 104-94 paggiba ng Magic (16-7) sa Cleveland Cavaliers (13-10).

Sa Detroit, tumipa si Bennedict Mathurin ng 30 points para igiya ang Indiana Pacers (13-8) sa 131-123 panalo sa Pistons (2-21).

Show comments