MANILA, Philippines — Pinabagsak ng sibak nang Nxled ang Farm Fresh, 25-22, 17-25, 25-20, 25-17, tampok ang 17 points ni Camille Victoria sa Premier Volleyball League Second All-Filipino Conference kahapon sa University of San Agustin Gymnasium sa Iloilo City.
Nagdagdag si Lycha Ebon ng 15 markers mula sa 13 attacks at 2 service aces para sa 4-7 baraha ng Chameleons na nakahugot kina Jhoana Maraguinot at Chiara Permentilla ng tig-12 points.
“Our team they’re still young. They doesn’t have enough experience together that’s why we need to be more strong,” wika ni Japanese coach Taka Minowa sa kanyang koponan.
Luhod naman ang Foxies sa 2-9 marka at nakakuha kina Kate Santiago at Gayle Pascual ng 15 at 12 points, ayon sa pagkakasunod.
Nakabangon ang Nxled mula sa dalawang sunod na talo, samantalang nadiskaril ang hangad na back-to-back wins ng Farm Fresh.
Matapos kunin ng Chameleons ang first set, 25-22, ay rumesbak naman ang Foxies sa second frame, 25-17, sa likod nina Santiago at Pascual para itabla sa 1-1 ang laro.
Inangkin ng Nxled ang third set, 25-20, at tuluyan nang tinapos ang kanilang bakbakan ng Farm Fresh sa 3-1 sa loob ng isang oras at 53 minuto.
“Our last game, we just showed out, we just really wanted to play it for sir Chris (Tiu), our boss, and the rest of the Akari company na dahil nga inalagaan nila kami, dapat lang namin tapusin iyong conference with a win,” ani Chameleons libero Dani Ravena.