MANILA, Philippines — Pinatumba ng Binan ang JT Taipan Bulacan, 64-48, sa Pilipinas Super League sa Central Recreation and Fitness Center sa Quezon City.
Ginawang motibasyon ng Binan ang pagkakasibak kay veteran star forward Marc Pingris sa first half para sa kanilang panalo.
Pinatalsik si Pingris sa gitna ng second period matapos maaksidenteng masiko sa mukha si Itchie Altamirano ng JT.
Nagresulta ito sa disqualifying foul at automatic ejection kay Pingris sa ilalim ng FIBA rules.
Kaagad namang humingi ng paumanhin ang many-time All-Defensive Team member kay Altamirano.
Umiskor si Jimboy Estrada ng 15 points para sa Binan, habang naglista si KG Canaleta ng 9 points at 9 rebounds.
Samantala, sumandal ang Caloocan kina Gabby Espinas at Reil Cervantes para akayin ang Supremos sa 82-74 paggupo sa Cam Norte.
Tumapos si Espinas na may 10 points at 11 boards para sa Caloocan, habang nagdagdag si Cervantes ng 13 markers.