MANILA, Philippines — Pinaganda ng Jose Rizal University ang kanilang estado matapos takasan ang sibak nang ‘three-peat’ champions Letran College, 79-74, sa NCAA Season 99 men’s basketball tournamernt kahapon sa Filoil Centre sa San Juan City.
Kumamada si Agem Miranda ng 17 points para tulungan ang Heavy Bombers na maitayo ang 9-6 record at patibayin ang pag-asa sa Final Four.
Nanalo ang Kalentong-based dribblers bagama’t wala si coach Louie Gonzales na isinilbi ang one-game suspension matapos mapatalsik sa nakaraan nilang laban ng College of St. Benilde Blazers.
Nalasap naman ng Knights ang ika-14 kabiguan sa 15 laban.
Kinuha ng Jose Rizal ang 60-51 abante sa third period bago nakadikit ang Letran sa 74-75 sa likod ni Vince Cuajao.
Samantala, pinataob ng Emilio Aguinaldo College ang talsik nang Arellano University, 77-64, para patibayin ang pag-asa sa Final Four.
Kumabig si King Gurtiza ng 23 points para ibigay sa Generals ang 8-7 baraha.
Bumagsak ang Chiefs sa 2-12 marka.