BMX racer nagbigay ng bronze sa Pinas

Sinikwat ni Pinoy BMX rider Patrick Coo (kanan) ang kanyang bronze medal sa 19th Asian Games katabi si teammate Daniel Caluag. (PSC-POC media pool)

MANILA, Philippines — Matapos ang record-breaking performance ni World No. 2 pole vaulter Ernest John Obiena noong Sabado para sa unang gold medal ng Pilipinas sa 19th Asian Games ay nag-ambag naman ng bronze si BMX racer Patrick Coo kahapon sa Hangzhou, China.

Tumersera ang 21-an­yos na si Coo kina gold medalist Asuma Nakai ng Japan at silver medal winner at Southeast Asian Games champion Komet Sukpraset ng Thailand sa men’s BMX racing finals.

Pang-anim si 2014 Incheon Asiad champion Daniel Caluag sa sixth place.

Samantala, hindi nakalundag ng medalya si Janry Ubas makaraang magtala ng 7.80 meters sa finals ng men’s long jump ng athletics para sa kanyang seventh place finish.

Pasok sa finals sina Fil-Am sprinter Kristina Knott at John Tolentino sa women’s 200m at men’s 110m hurdle, ayon sa pagkakasunod, sa athletics event.

Sa men’s basketball, makikipagbasagan ng mukha ang Gilas Pilipinas kontra sa Qatar sa kanilang agawan sa quarterfinals berth ngayong alas-4 ng hapon.

Bigo ang Nationals na madampot ang outright quarterfinals spot matapos matalo sa Jordan ni TNT Tropang Giga import Rondae Hollis-Jefferson, 62-87, noong Sabado.

Nagtapos naman ang pangarap ng Gilas U23 team na makadribol ng medalya nang sibakin ng South Korea, 16-19, sa quarterfinals ng men’s 3x3 event.

Sa women’s football, minalas ang Filipinas sa Japan, 1-8, na kumitil sa kanilang pag-asang makapasok sa semifinals.

Ito ang unang pagkakataon matapos ang 65 taon na may isang Phi-lippine football team na umabante sa quarterfinals ng Asian Games.

Show comments