MANILA, Philippines — Hindi pinalad si 2018 Asian Games champion Margielyn Didal na maisakatuparan ang inaasam na back-to-back gold medals sa women’s street skateboarding sa 19th Asian Games na ginaganap sa Hangzhou, China.
Laglag sa huling puwesto si Didal matapos makalikom ng 23.39 puntos sa kanyang first run.
Hindi rin nito nakumpleto ang kanyang huling tatlong runs para tuluyang humulagpos sa kanyang kamay ang medalya.
Nagpost si Didal ng mensahe sa kanyang social media account upang ilabas ang kanyang saloobin.
“Sorry Cebu,” ani Didal.
Nasungkit ng 13-anyos na si Cui Chenxi ng host China ang gintong medalya matapos makapagrehistro ng 242.62 points.
Nakumpleto ni Zeng Wenhui ang 1-2 punch ng host country nang angkinin nito ang pilak sa bendisyon ng nakuha nitong 236.61 points.
Pumuwesto ng ka-3 at ika-4 ang Japanese na sina Miyu Ito na nagtala ng 221.59 at Yumeka Oda na may 210.73, ikalima si Vareeraya Sukasem ng Thailand (154.89), ikaanim si Nathitiyabhorn Nawaktiwong ng Thailand (148.91) at ikapito si Ha Siye ng South Korea (94.83).