PSC may pa send-off para sa Team Philippines

MANILA, Philippines — Pamumunuan ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richard Bachmann ang send-off ce­re­mony para sa mga miyembro ng Team Philippines na sasabak sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China.

Nakatakda ang event ngayong alas-11 ng umaga sa Philippine International Convention Center (PICC) Reception Hall sa Pasay City.

Pupuntirya ng gintong medalya ang mga national athletes sa Hangzhou Asiad na magbubukas sa Setyembre 23 at magtatapos sa Oktubre 8.

Bibigyan din ng PSC ng send-off ang mga atletang lalahok sa 4th Asian Para Games na nakatakda sa Oktubre 22 hanggang 28.

Inimbitahan ni Bachmann si Executive Secretary Lucas Bersamin para magbigay ng inspirasyon sa mga national athletes sa kanilang pagsalang sa quadrennial meet.

Sa nakaraang Asian Games sa Jakarta at Palembang, Indonesia noong 2018 ay nag-uwi ang mga Pinoy athletes ng kabuuang apat na golds, dalawang silvers at 15 bronzes para tumapos sa 19th place.

Show comments