MANILA, Philippines — Fangirling si veteran playmaker Jia Morado matapos makasama ang ilang Brazilian volleyball stars sa isang training camp sa Tokyo, Japan.
Masayang ibinahagi ni Morado ang naging karanasan niya nang makasama sa training camp at tune-up game ang Brazil women’s national team.
Isa sa mga nakasama ni Morado ay si Brazilian legend Thaisa Menezes na dalawang beses nakasungkit ng ginto sa Olympic Games — noong 2008 sa Beijing, China at noong 2012 sa London, England.
Kaya naman hindi na pinalampas ni Morado ang pagkakataon na magpakuha ng larawan kasama si Menezes na isa sa hinahangaan sa middle blocking position.
Nasa Japan si Morado para maglaro bilang import para sa Japanese side Denso Airybees sa Japan V.League.
“I’ve always been a student of the game, taking in every opportunity to learn what I can,” ani Morado sa Instagram.
Maliban kay Menezes, nagpa-picture rin si Morado kina Brazilian Olympic silver medalists Rosamaria Montibeller at Gabi Guimaraes.
Makakasama ni Morado si Montibeller sa kampanya ng Airybees sa Japan V.League.