MANILA, Philippines — Malayo man ay malapit din.
Bagama’t nasa Amerika kung saan na siya nakatira ngayon, nananatiling buo ang suporta ni national team legend Jimmy Alapag para sa Gilas Pilipinas sa kampanya nito sa 2023 FIBA World Cup.
Sa Sacramento, California na residente si Alapag na siyang bagong player development coach ng Sacramento Kings sa NBA subalit ipinaparamdam pa rin ang lubos na tiwala sa Gilas.
“All my prayers and well wishes for the Gilas team. I wish I could be there in person too,” ani Alapag na siyang long-time Gilas captain.
Kapitan si Alapag ng makasaysayang kampanya ng Gilas noong 2014 World Cup sa Spain, kung saan nakipagsabayan ang bansa kontra sa powerhouse teams na Argentina, Croatia, Puerto Rico, Greece at Senegal.
Isa lang ang panalo ng Gilas noon kontra sa Senegal, 81-79, para sa unang tagumpay nito sa World Cup sa loob ng apat na dekada subalit nakuha din ang respeto ng mga koponan at fans sa buong mundo.
Bago iyon, si Alapag din ang trumangko sa silver medal finish ng Gilas sa 2013 FIBA Asia Championship upang umabante sa World Cup sa unang pagkakataon simula 1978, kung kailan nag-host din ang Gilas.
Ngayon, bagama’t wala si Alapag ay hindi magbabago ang kanyang gabay at inspirasyon sa koponan kasama ang milyun-milyong Pilipino sa sariling homecourt ng koponan.
“Nothing like playing against the best in the world at home,” ani PBA legend na nangakong babalik sa bansa pagkatapos ng NBA season.