MANILA, Philippines — Kagaya ng inaasahan, sina NBA star Jordan Clarkson at 7-foot-3 Kai Sotto ang babandera sa laban ng Gilas Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup na opisyal na bubuksan bukas sa 55,000-seater Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ito ang ikatlong pagkakataon na isusuot ng 31-anyos na si Clarkson, ang 2021 NBA Sixth Man of the Year para sa Utah Jazz, ang Pilipinas jersey matapos noong 2018 Asian Games at 2022 FIBA World Cup Asian qualifiers.
Ang 6-foot-5 guard ang muling aasahan ng Gilas Pilipinas sa world meet kasama sina Sotto, six-time PBA MVP June Mar Fajardo, Dwight Ramos, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Jamie Malonzo, AJ Edu, Kiefer Ravena, CJ Perez, Roger Pogoy at Rhenz Abando.
Makakatulong ni Clarkson sa backcourt sina Ramos, Thompson, Perez at Ravena habang nasa wings naman sina Pogoy, Malonzo at Abando.
Magtutulungan sa shaded lane sina Sotto, Fajardo (6’10), Aguilar (6’8) at Edu (6’10) na naglalaro para sa Toyama Grouses sa Japan B.League at nakatambal ni Sotto sa 2019 FIBA Under-19 World Cup.
Hindi isinama ni head coach Chot Reyes sa Final 12 sina Chris Newsome, Ray Parks, Calvin Oftana at Thirdy Ravena.
Kasama ng World No. 40 Pilipinas sa Group A ng FIBA World Cup ang World No. 10 Italy, No. 23 Dominican Republic at No. 41 Angola.
Unang sasagupain ng Gilas ang Dominican Republic bukas ng alas-8 ng gabi sa Philippine Arena bago isunod ang Angola sa Linggo at ang Italy sa Martes.