Marcial target sumuntok ng Paris Olympics slot

MANILA, Philippines — Tututok si Olympian Eumir Felix Marcial sa 2024 Paris Olympics.

Nagpasya ang MP Promotions na ipagpaliban ang laban ni Marcial sa pro boxing upang maisentro ang atensiyon nito sa pagsikwat ng silya sa Paris Olympics.

Nais ni Marcial na pagtuunan ng pansin ang Asian Games na idaraos sa Hangzhou, China sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 8.

Ang Hangzhou Asian Games ay magsisilbing qualifying tournament para sa Paris Olympics.

Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, nasa Amerika pa si Marcial kung saan sumasalang ito sa training camp.

Ngunit nakatakda itong bumalik sa Pilipinas para makasama ang national boxing team na nagha­handa sa Asian Games.

Nakatakdang tumulak sa Canberra, Australia ang national team sa Setyembre 1 para doon magsanay para sa Asiad.

“Eumir will be coming home from the US as soon as possible and to join the national boxing team and work on his Australian visa,” ani Tolentino.

Payag sa planong ito ang MP Promotions — ang humahawak sa professio­nal boxing career ni Marcial.

“Sean (Gibbons) rea­dily agreed that Marcial focuses on Hangzhou and go after his Olympic dream,” ani Tolentino.

Mapapalaban si Marcial sa Asian Games dahil wala ang weight category nito na middle weight (71 kg.) — ang parehong ka­tegorya kung saan ito nagwagi ng tanso sa Tokyo Olympics.

Aakyat si Marcial sa 81 kgs (light heavyweight).

Kailangan din ni Marcial na makapasok sa finals sa Asian Games dahil ang dalawang finalists ang mabibigyan ng tiket sa Paris Olympics.

“It’s now or never,” ani Marcial.

Show comments