Kurashiki-Creamline kasado na sa PVL finale

Na-blocked nina Honey Royse Tubino at Dell Palomata ng PLDT ang kill ni Tanabe Saki ng Kurashiki.

MANILA, Philippines — Pinataob ng Kurashiki Ablaze ang PLDT Home Fibr sa bendisyon ng 25-15, 23-25, 25-14, 25-23 panalo upang masikwat ang kanilang puwesto sa PVL Invitational Confe­rence kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Lumamang ang Kurashiki sa attack line matapos magpako ng 69 kills laban sa 57 ng High Speed Hitters.

Nakaungos pa ng bahag­ya ang Ablaze sa blocks tangan ang 7-5 edge.

Nakakuha rin ng 19 libreng puntos ang Kurashiki mula sa errors ng PLDT.

Umangat ang Ablaze sa ikaapat na sunod na panalo para manatiling malinis ang rekord nito sa semifinal round.

Hindi maawat si Tamaru Asaka na nagpakawala ng 30 puntos mula sa 28 attacks at dalawang blocks habang sumuporta si Tanabe Saki na naglista ng 15 hits.

Nag-ambag naman si Hiraoka Akane ng 11 puntos  para sa Japanese squad.

Makakasagupa ng Kurashiki sa championship showdown ang defending champion Creamline na nauna nang humirit ng puwesto sa finals ta­ngan ang 4-0 rekord.

Lalaruin ang finals ng Ablaze at Cool Smashers sa Linggo sa alas-6:30 ng gabi.

Bago ang finals, maghaharap muna nga­yong araw ang Creamline at Kurashiki sa huling araw ng semifinal round na magsisilbing preview ng kanilang finals showdown.

 

Show comments