MANILA, Philippines — Out muna si naturalized player Justin Brownlee sa pocket tournament ng Gilas Pilipinas sa Guangdong, China bilang paghahanda nito sa FIBA World Cup na papalo sa Agosto 25 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Hindi makakasama si Brownlee upang makapagpahinga at maihanda sa pagsabak ng Gilas sa Asian Games na gaganapin sa Setyembre sa Hangzhou, China.
Lalarga ang China pocket tournament sa Agosto 2 hanggang 6.
Malinaw na ang paglalaro ni NBA star Jordan Clarkson sa FIBA World Cup na kinumpirma mismo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Itinuturing na naturalized player si Clarkson base sa rules and regulation ng FIBA.
Isang naturalized player lamang ang maaaring maglaro sa FIBA-sanctioned tournaments.
Kaya naman tapos na ang usapan kung sino kina Clarkson at Brownlee ang sasabak sa FIBA World Cup.
Maliban na lamang kung magbago ang desis yon ng Gilas coaching staff o may hindi inaasahang aberya na mangyari.
Nakatakdang dumating sa Maynila si Clarkson sa Agosto 6 para makasama ang Gilas sa training camp nito.
Kailangang makabuo agad ng chemistry si Clarkson sa bawat miyembro ng Gilas upang maging solido ang galaw ng Pinoy squad sa FIBA World Cup.
Dahil dito, tututukan na muna ni Brownlee ang pagsabak nito sa Asian Games.