Nagsimula na kahapon ang FIFA Women’s World Cup na nakahilera ang Team Philippines sa kaunahang pagkakataon kasama ang mga higanteng koponan na magrarambulan para sa prestihiyosong korona.
Ngayong hapon kontra Switzerland unang sisipa ang Filipinas sa group play sa Auckland, New Zealand.
At umaasa sina coach Allen Stajcic at ang kanyang koponan na masustina ang kanilang breakthrough run at patuloy na maipakilala sa Pinas ang larong football.
“It’s not the most popular sport (in the Philippines),” ani defender Hali Long sa panayam ng AFP.
“It’s not the beauty pageants, boxing and basketball. We don’t have a ‘B’,” dagdag pa ni Long.
Pero dahil sa kanilang qualification sa World Cup at kasunod ang paghugot ng korona sa Asean Championship sa harap ng malaking crowd sa Rizal Memorial Stadium, humatak na actually ng following sina Long at mga teammates na tinatawag na “Filipinas.”
Sigurado naman talagang lalawak pa ang pagkakakilala sa kanila at sa larong football — o soccer — kung makakapagpakita ng maganda sa World Cup.
Iyon nga lamang, mabigat ang pagdadaanan para makalagpas sa unang round.
Nakaharang sa kanilang daan ang Switzerland, host New Zealand at Norway.