Cu bumida sa panalo ng Ginebra

Ang koponan ng Barangay Ginebra kasama si PBA Commissioner Willie Marcial.
PBA Image

MANILA, Philippines — Matapos si Donald Gumaru sa Leg 1, si Ralph Cu naman ang nagdala sa Barangay Ginebra sa panalo sa Leg 2.

Ipinasok ni Cu ang game-winning two-pointer para sa 19-17 overtime win ng Gin Kings kontra sa Meralco Bolts sa finals ng PBA 3x3 Season 3 First Conference second leg kahapon sa Ayala Malls Circuit.

Ibinulsa ng Ginebra ang premyong P100,000 habang nakuntento ang Meralco sa P50,000 bilang runner-up.

Ito ang pangalawang dikit na leg title ng Gin Kings ni coach Kirk Collier matapos pagharian ang Leg 1 mula sa 19-17 overtime win sa San Miguel Beermen sa likod ng game-winner ni Gumaru.

Umiskor si Kim Aurin ng apat na sunod na basket para itabla ang Ginebra sa 10-10 mula sa 6-10 pagkakabaon sa Meralco.

Matapos kunin ng Bolts ang 15-14 bentahe ay ipinasok naman ni Gumaru ang isang reverse lay-up para dalhin ang Gin Kings sa extension.

Umeksena si Cu sa overtime tampok ang kanyang game-winning two-pointer para sa ikalawang sunod na 3x3 crown ng Ginebra.

Show comments