MANILA, Philippines — Masisilayan nang malapitan ng mga atletang nag-uwi ng karangalan sa bansa si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil personal niyang ibibigay sa kanila ang cash incentives sa Hulyo 20 sa Malacañang Palace.
Mahigit 500 national athletes ang kikilalanin dahil sa kanilang outstanding achievements sa 32nd Southeast Asian Games at 12th ASEAN Para Games sa Cambodia.
“We are grateful for President Marcos’ decision to personally award the incentives to Team Philippines, an expression of his admiration to our national athletes and their unwavering passion and dedication for representing the country,” ani Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richard Bachmann.
Nasa P60 milyon at P14 milyon ang inilabas ng PSC para sa cash bonuses ng mga atletang nag-uwi ng medalya sa SEAG at APG, ayon sa pagkakasunod, na nakasaad sa Republic Act 10699 o ang Expanded National Athletes and Coaches Incentives and Benefits Act.
Base sa RA 10699, ang mga national athletes na sumungkit ng gold sa SEA Games ay tatanggap ng P300,000, para sa silver medal finish ay P150,000 at ang bronze ay P60,000 sa SEA Games level.
Habang ang gold, silver at bronze medalists sa ASEAN Para Games level ay tatanggap ng cash incentives na P150,000, P75,000 at P30,000, ayon sa pagkakasunod.
“In the past, the PSC conducted two separate awarding for SEAG and APG medalists, but I believe it is more fitting to join the two for the President’s first-ever incentives awarding during his administration,” ani Bachmann na magpupunta sa Palasyo kasama ang PSC Board of Commissioners.
Tumapos sa fifth place ang Pilipinas sa biennial event sa Cambodia mula sa nasungkit na 58 gold, 85 silver at 117 bronze medals.
Nakaukit naman ng record-breaking performance ang Team Philippine sa APG nang kunin ang 34 golds, 33 silvers at 50 bronzes.