MANILA, Philippines — Naging komportable si dating world super flyweight champion Jerwin Ancajas sa kanyang pag-akyat sa bantamweight division.
Sa katunayan ay tinalo ni Ancajas (34-3-2, 23 knockouts) si Colombian Wilner Soto (15-1-0, 8 KOs) via fifth-round stoppage sa kanyang debut sa bantamweight noong Hunyo 24.
Kaya ngayon ay target ng tubong Panabo City, Davao del Norte si Japanese titlist Takuma Inoue (18-1-0, 4 KOs) na kapatid ni three-division world champion at dating undisputed bantamweight king Naoya Inoue.
Kasalukuyang hawak ni Inoue ang World Boxing Association (WBA) bantamweight belt na puntiryang agawin ni Ancajas.
Nagmula ang 27-anyos na si Inoue sa isang unanimous decision win kay Venezuelan challenger Liborio Solis noong Abril 8.
Ang pagpirma ni Inoue sa fight contract na lamang hinihintay ng kampo ni Ancajas para sa kanilang championship fight.
Isinuko ng 31-anyos na si Ancajas ang kanyang hawak na International Boxing Federation (IBF) super flyweight crown kay Fernando Martinez (16-0-0, 9 KOs) ng Argentina noong Pebrero ng 2022.
Muling natalo si Ancajas kay Martinez sa kanilang rematch noong Oktubre ng nasabing taon kaya nagdesisyon ang Pinoy fighter na umakyat sa bantamweight class ngayong 2023.