MANILA, Philippines — Swak ang apat na batang swimmers sa qualifying time standard at nabigyan ng ‘provisionary’ status para sa binubuong Philippine team na isasalang sa 35th Southeast Asian Age Group Swimming Championships.
Ang mga ito ay sina Catherine Cruz ng Mabalacat Race Pace Swim Team, Arabella Nadeen Taguinota ng Pasig City Swimming, Peter Cyrus Dean ng Killerwhale Elite Swim Team Quezon at Ivo Nikolai Enot ng Ayala Harpoons Swim Club.
Nagpakitang gilas ang apat na tankers sa unang araw ng national tryouts Luzon qualifying na inorganisa ng Philippine Swimming Inc. (PSI) at pinamumunuan nina president Miko Vargas at secretary-general Batangas Rep. Eric Buhain kahapon sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.
Nakatakda ang SEA Age Group Championships sa Agosto 24-26 sa Jakarta, Indonesia.
Pasado ang 15-anyos na si Cruz sa 2:13.23 QTS sa girls’ 14-15 200-meter freestyle sa naitala niyang 2:13.15.
Naorasan si Taquinota ng 1:15.57 sa girls’ 14-15 100m breaststroke sa torneong itinataguyod ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at Speedo.
Lusot din sa QTS na 28.10 segundo sina Dean (27.97 segundo) at Enot (28.07 segundo) sa boys’ 16-18 50m backstroke.
“Napakasaya na makita iyong enthusiasm ng mga batang swimmers na makilahok sa national tryouts,” wika ni Buhain. “Hindi kasi nila na-experience ito before, but as what we promised gagawin naming inclusive ang lahat ng programa ng PSI for the sake of our athletes and the growth of sports in aquatics.”
Sinabi ni event organizer at coach Chito Rivera na ‘provisionary status’ pa lang ang katayuan ng apat na swimmers dahil may tatlong national tryouts pa ang nakatakdang isagawa – ang North Luzon qualyfing at Visayas qualifying na magkasabay na isasagawa sa Hulyo 21-23 sa Vigas, Ilocos Sur at Dumaguete City.