Team Philippines maningning

Caloy Yulo

58 golds iuuwi

MANILA, Philippines — Bagama’t tumapos sa fifth place ay mas marami namang gintong medalya ang nahakot ng Team Phi­lippines sa katatapos lamang na 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.

Kumolekta ang mga Pinoy athletes ng 58 golds bukod sa 85 silvers at 117 bronze medals kumpara sa naiuwing 52-125-116 medalya noong 2021 Vietnam SEA Games para sa fourth-place finish.

Hinirang ang Pinas na overall champion noong 2019 Manila SEA Games sa hinakot na 149 golds, 117 silvers at 121 bronzes bago bumagsak sa No. 4 spot noong 2021 edition.

Matagumpay na naidepensa ng Vietnam ang kanilang overall crown sa hinakot na 136 golds, 105 silvers at 118 bronzes kasunod ang Thailand (108-96-108), Indonesia (87-80-109), Cambodia (81-74-127), Pilipinas (58-85-117), Singapore (51-43-64), Malaysia (34-45-96), Myanmar (21-25-68), Laos (6-22-60), Brunei (2-1-6) at Timor Leste (0-0-8).

Sa kabila ng pagkakadulas ng isang baitang pababa ay may mga atleta pa ring nagdala sa laban ng bansa.

Sumikwat ng tig-dalawang ginto sina two-time world gymnastics champion Caloy Yulo (men’s individual all-around at parallel bars) at soft tennis players Princess Catindig at Noelle Mañalac (wo-men’s doubles at women’s team).

Patuloy din ang dominasyon sa kanilang mga event nina World No. 3 pole vaulter Ernest John Obiena, boxer Nesthy Petecio, 400m hurdles expert Eric Cray, taekwondo jin Kurt Barbosa, duathlete Kim Mangrobang at karateka Jamie Lim.

Nagposte si Obiena ng bagong SEAG record na 5.65m gayundin sina swimmer Xiandi Chua sa kanyang 2:1320 sa wo­men’s 200m backstroke at weightlifter Elreen Ando sa binuhat niyang 216kg sa women’s 59kg.

Winalis naman ng national obstacle course racing team ang lahat ng apat na gintong medalya sa kanilang event.

Pinuri ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz ang ipinakita ng national weightlifting team tampok ang panalo nina Ando (women’s 59kg) at ng 18-anyos na si Vanessa Sarno (women’s 71kg).

“Congratulations to our Philippine Weightlifting team for their outstan­ding performance in the #SEAGames2023,” ani Diaz sa kanyang Facebook account.

 Sa huling araw ng mga kompeisyon kahapon ay tumusok ng silver sina fencers Ivy Dinoy, Hanniel Abella, Andrea Matias at Alexa Larrazabal (women’s epee team) at sina arnisadors Jeanette Agapito, Mary Allin Aldeguer at Ma. Crystal Sapio (women’s team anyo non-traditional open weapon).

Nag-ambag ng tanso sina jet skiier Billy Joseph Ang (runabout 1100 stock) at kickboxers Honorio Banario (men’s 71kg lowkick).

Show comments